Skip to main content

SA SIYAM NA KILOMETRO NG POSTE SA KAHABAAN NG EDSA


 

SA SIYAM NA KILOMETRO NG POSTE SA KAHABAAN NG EDSA

“Malapit ka na bumaba”

Paalala kong pumutol sa pagkatulala mo sa bintana ng bus

Isang tango lang sinagot mo sa akin.

Madilim sa loob ng bus dahil pasado alas-dose na rin noon at tulog na ang ibang pasahero

Na-aaninag ko lang ang mukha mo kapag tinatamaan ng ilaw ng mga posteng dinadaanan natin

Wala pa ring pinagbago. Tatlong taon na tayo, nalulunod pa rin ako sa mga mata mo

“Tahimik mo ata” lakas loob kong binasag ang katahimikan sa pagitan nating dalawa

“Ayos lang ” Ang unang dalawang salitang lumabas sayo mula nang sunduin kita sa opisina.

Hindi ko alam kung tama ba pero mas gusto ko sanang marinig na hindi ka ayos

Gusto kong ikwento mo sakin kung ano ba ang kinain mo kaninang tanghalian.

Gusto kong ireklamo mo sa akin kung gaano karami na naman ang pinagawa ng boss mo sayo.

Gusto kong malaman kung ano bang meron sa mga poste sa kalsada at para bang sila ang kanina pang nagnanakaw ng atensyon mo.

Bigla kang tumingin sa akin. Maraming sinasabi ang mata mo. Walang lumalabas sa bibig mo

Biglang sigaw naman ng konduktor ng “Centris”

Inayos mo ang sarili mo. Tumayo.

“Bukas ulit”, pamamaalam mo at tuluyan nang bumaba ng bus.

Oo sige bukas ulit.

Bukas ulit, mula Pearl Drive Ortigas hanggang QC, pipiliting tulungan kang ayusin ang buhol na salita sa isip mo

Pipiliting hindi magselos sa mga poste sa kalsada

Pipilitin ang sariling maniwala na may pagasa pa.

Comments